
Nakaligtas si Shariff Aguak, Maguindanao del Sur Mayor Akmad Ampatuan matapos tambangan ang kanyang convoy na binubuo ng dalawang sasakyan kahapon ng umaga.
Sinabi ni Anwar Kuit Emblawa, executive assistant ni Ampatuan, ligtas ang alkalde matapos na tambangan ang kanyang itim na Toyot Land Cruiser sa Barangay Poblacion sa Shariff Aguak.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na tinambangan at nakaligtas si Mayor Ampatuan.
Nagtamo rin ng pinsala ang ang back-up vehicle na pick-up ng alkalde matapos na tamaan ng mga bala.
Sinabi ni Emblawa na nasugatan ang dalawang security escorts ni Ampatuan sa nasabing pamamaril.
Idinagdag pa niya na napatay ng mga pulis ang apat na gunmen sa isinagawang hot pursuit operation sa national highway sa Shariff Aguak.
Sakay ang mga suspek sa puting mini van nang isagawa nila ang pananambang sa dalawa convoy ni Ampatuan.
Sinabi ni Emblawa na may nakuhang malalakas na mga baril sa sasakyan ng mga suspek.










