Hinirang na kampeon ang Amulung delegation sa katatapos na 2025 Cagayan Provincial Athletic Association (CPAA) Meet na ginanap sa Allacapan Sports Complex.

Nakakolekta ang Amulung delegation ng kabuuang 50 gold, 15 silver, at 18 bronze medals sa combined overall result ng mga palaro mula sa Paralympics, Elementary at Secondary Level kaya hinirang silang kampeon sa ikatlong pagkakaton.

Nasungkit naman ng delegasyon ng Sta. Ana ang 1st runner na nag-uwi ng 45 gold, 36 silver, at 36 bronze medal, 2nd runner up ang Lal-lo delegation na nakasungkit ng 40 gold, 39 silver, at 52 bronze medal habang 3rd runner up naman ang Pamplona na may 38 gold, 29 silver at 31 bronze medals.

Ang 2025 CPAA Meet na pinangunahan ng Schools Division Office (SDO) Cagayan sa pangunguna ni Schools Division Superintendent, Dr. Reynante Caliguiran ay sinimulan nitong Enero 23 at pormal na nagtapos kahapon

Kaugnay rito, nagpasalamat naman ang pamunuan ng SDO Cagayan sa suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Allacapan at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan dahil sa matagumpay na pagdaraos ng naturang palaro.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagtatapos ng 2025 CPAA Meet ay ipinaabot naman ni Clarita Lunas, Consultant on Education ng Pamahalaang Panalalwigan ng Cagayan bilang kinatawan ni Gov. Manuel Mamba ang mainit na pagbati sa lahat ng mga atleta, coaches, trainers at chaperons na kasama sa naturang palaro.

Binigayang-diin ni Lunas ang pagnanais mabawing muli ang titulo ng pagiging kampeon sa 2025 Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet na idaraos sa Lungsod ng Santiago.

Aniya, ang 2025 CPAA Meet kung saan nagpakita ng husay at galing ang bawa’t manlalarong Cagayano ay bahagi lamang ng kanilang paghahanda upang mapagbuti ang pagsabak sa susunod na kompetisyon.

Sinabi nito na nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ibigay ang buong suporta sa lahat ng mga manlalarong Cagayano kaya dapat na ipagpatuloy ang kanilang mga pagsasanay upang muling maiuwi ang tagumpay para sa Cagayan.

Samantala, tiniyak naman ng SDO Cagayan na tututukan nito ang gagawing pagsasanay ng mga atletang mapipili na kakatawan sa Cagayan bilang bahagi ng paghahanda na dipensahan ang titulo sa CAVRAA 2025.