
Nagpaabot ng pagbati para sa Father’s Day ang nag-iisang anak ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na si Rock dela Rosa sa pamamagitan ng isang social media post.
Kalakip ng mensahe ang larawan nilang mag-ama at isa pang larawan kasama ang kanyang anak. Sa kanyang post, binati ni Rock ang lahat ng mga ama sa pagdiriwang ng Father’s Day.
Samantala, nananatiling usap-usapan ang kinaroroonan ni Senador dela Rosa matapos itong muling hindi makita sa publiko kasunod ng kanyang pagdalo sa Senado noong Mayo 11 para sa halalan ng bagong Senate President.
Nauna nang humiling ng protective custody sa Senado ang mambabatas matapos umanong tangkaing ihain ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon naman sa Philippine National Police, patuloy nitong sinusundan ang mga impormasyong natatanggap kaugnay sa posibleng kinaroroonan ng senador.










