Mariing kinundena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang umano’y tangkang pagpaslang sa radio broadcaster na si Jay Lavapiez sa Barangay Cagay, Roxas City, Capiz, na naganap kaninang alas-5 ng umaga.

Ayon sa PTFoMS, agad na iniimbestigahan ng kanilang hanay, katuwang ang Philippine National Police Media Vanguards, ang insidente upang matukoy ang mga salarin at mabigyan ng hustisya ang kaso.

Inatasan na rin ni Regional Police Office 6 Director PBGen. Randulf Tuano, ang mga yunit ng pulisya na tutukan ang imbestigasyon at agarang kumilos kaugnay sa kaso.

Mababatid na nakaligtas si Lavapiez matapos siyang tambangan habang binabagtas ang national highway sa Barangay Cagay patungo sa kanyang istasyon ng radyo.

Batay sa ulat, tinatayang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang humarang sa kanyang sasakyan at pinaputukan ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pinangyarihan naman ng insidente, apat na basyo ng bala ang narekober ng otoridad.

Binigyang-diin ng PTFoMS na ang ganitong uri ng karahasan at pananakot laban sa mga mamamahayag ay walang puwang sa democratic society.

Dahil dito, nanawagan ang ahensya ng mas paigtingin pa ang proteksyon para sa media workers upang hindi na maulit ang naturang insidente.