Patuloy na makakaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon ngayong Huwebes, August 13, 2026 dahil sa Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa Zambales at Bataan.

Habang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, iba pang bahagi ng Central Luzon, Camarines Norte, Aklan, Antique at Capiz dahil pa rin sa Habagat.

Sa iba pang bahagi ng Luzon, magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap ang kalangitan na may isolated rain showers.

Sa Mindanao at iba pang bahagi ng Visayas, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang Tropical Storm Nangka na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Alas-3:00 ng madaling araw, huling namataan ang bagyo sa layong 2,560 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 kilometro kada oras at kumikilos hilagang-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras.