Anim na baboy na pagmamay-ari ng isang tao ang nagpositibo sa African swine fever (ASF) sa Sanchez Mira, Cagayan.
Ayon kay Dr.Noli Buen, head ng Provincial Veterinary office (PVET) Cagayan, nakatanggap ng report ang kanilang opisina na may nagkakasakit na mga baboy sa Brgy.Langagan na agad na kinuhanan ang mga baboy ng blood samples.
Sinabi na positibo ang resulta ng pagsusuri sa blood sample ng mga baboy sa ASF.
Ayon kay Buen, dati nang namatay ang lima sa mga baboy at tanging isa lamang ang isinailalim sa culling.
Kaugnay nito, sinabi ni Buen na patuloy ang kanilang ginagawang pagsasagawa ng disinfection sa mga babuyan upang matiyak na hindi na madagdagan pa ang mga baboy na maaapektohan ng ASF.
Bukod dito, nagsasagawa rin sila ng surveillance sa pamamagitan ng blood collections sa mga baboy.
Dagdag pa niya na mahigpit ang ginagawang boundary checkpoint para sa monitoring ng mga frozen foods at live hogs na ipinapasok sa probinsiya.