
Anim na bahay ang gumuho at inanod ng rumaragasang baha sa Barangay Sto. Cristo, Lubao, Pampanga matapos umapaw ang tubig mula sa Sto. Cristo Dam, dahilan upang lumikas ang mahigit 100 residente o 30 pamilya.
Nangyari ang insidente bandang alas-11 ng umaga noong Agosto 28 matapos barahan ng malalaking troso, sanga ng puno, dahon at iba pang debris ang floodgate ng dam. Dahil hindi makadaloy ang tubig, umapaw ito sa riverbank at nagdulot ng matinding pagguho ng lupa na nakaapekto sa mga kalapit na bahay.
Sa kasagsagan ng pagbaha, gumuho rin ang bahagi ng isang bahay. Patuloy na pinagbawalan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na bumalik sa kanilang mga tahanan dahil nananatiling delikado ang lugar.
Gumamit ng lubid ang mga pulis at rescuers upang mailabas ang mga residenteng na-trap sa kanilang mga bahay, kabilang ang mga senior citizen, bata at may karamdaman.
Ayon sa mga awtoridad, dalawa sa mga nasirang bahay ay nasa no-build zone kaya hindi na papayagang muling tirhan ang mga lugar na ito.
Nangako naman ng tulong ang pamahalaang bayan ng Lubao at Provincial Government of Pampanga sa mga pamilyang nawalan ng tahanan, habang namahagi na rin ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Samantala, patuloy ang monitoring ng mga awtoridad sa lugar at mga evacuation center habang nananatiling banta ang mataas na tubig sa komunidad.










