
Patay ang anim na taong gulang na babae matapos na aksidente siyang mabaril ng kanyang lasing na ama, 32-anyos sa kanilang pansamantalang tahanan sa Barangay 10, Victorias City, Negros Occidental.
Sinabi ni Police Lt. Col. Terrence Paul Santa Ana, hepe ng Victorias City police station, nilalaro umano ng ama ang kanyang baril habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan nang hindi sinasadya na makalabit niya ang gatilyo at tinamaan ang kanyang anak na babae na dumaan.
Nagtamo ng tama ng baril sa kanyang mukha ang bata at idineklara siya na patay sa ospital.
Sinabi ni Santa Ana na hinuli ang ama subalit pansamantala na pinalaya noong Lunes, matapos na magbigay affidavit ang asawa na hindi siya magsasampa ng kasong parriside.
Ayon sa ama, ang armas ay isang homemade gauge-12 shotgun, subalit sinabi ng pulisya na posibleng ito ay .38 caliber batay sa tinamong pinsala ng kanyang anak.
Subalit itinapon ng ama ang armas sa ilog at hindi na narekober pa ng mga awtoridad.
Sinabi ni Santa Ana na ang ama ay residente ng Calatrava, Negros Occidental at nagtatrabaho sa Victorias City bilang bantay sa isang hacienda kasama ang kanyang pamilya.