TUGUEGARAO CITY- Anim na kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na magdadala sana ng mga basic services sa isla ng Calayan ang pinabalik matapos magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Calayan Mayor Joseph Llopis na matapos malaman na positibo ang resulta ng RT-PCR test ng ilang kawani sa mahigit 60 na sakay ng barko ay hindi na pinababa pa at pinabalik na lamang sa mainland.

Utos din aniya ito ni Governor Manuel Mamba bilang paghihigpit sa health and safety protocols dahil hanggang ngayon ay nananatiling covid-19 free ang isla.

Binigyan diin ni Llopis na hindi kakayanin ng kanilang inilaang pasilidad kung makakapagtala ng maraming kaso ng COVID-19 ang Calayan island.

Samantala, sinabi naman ni Governor Mamba na ang mga pupuntang kawani sa nasabing isla na magdadala ng tulong at inagurasyon ng infrastructure projects ay mula sa ibat-ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan.

-- ADVERTISEMENT --

Isa rin aniya sana siya sa mga pupunta sa lugar pero matapos malaman ang resulta ng swab test ng kanilang mga kasamahan ay minabuti na nilang hindi ituloy at isasagawa na lamang sa ibang panahon ang naturang aktibidad.