
Ang diverticulitis ay isang kondisyon na nakaaapekto sa digestive system.
Ito ay nagiging sanhi ng problema sa bowel movements at maaaring maging sanhi ng matindi at pabigla-biglang sakit sa tiyan.
Ang diverticulitis ay isang kondisyon sa sistema ng pagtunaw kung saan ang maliliit na pouch na tinatawag na diverticula ay nabubuo sa mga pader ng malaking bituka at nakausli palabas.
Ang mga pouch na ito ay maaaring mamaga o maimpeksiyon, na nagdudulot ng iba’t ibang sintomas at komplikasyon.
Karaniwang nakikita ang kondisyon sa mga matatanda na higit sa 40 taong gulang, na madalas na nauugnay sa humihinang pader ng colon dulot ng pagtanda.
Isa sa mga pangunahing sanhi ng diverticulitis ay kakulangan sa dietary fiber.
Ang mababang fiber intake ay maaaring magpalala ng pagtigas ng dumi at magdulot ng mas mataas na presyon sa pader ng colon, na nagiging sanhi ng pagbuo ng diverticula.
Kabilang sa mga sintomas ng diverticulitis ang pananakit (karaniwan sa kaliwang ibabang bahagi ng tiyan), paninigas ng dumi, at kung minsan ay dugo sa dumi.
Ang iba pang palatandaan ay maaaring kasama ang lagnat, pagduduwal, at pagbabago sa mga nakasanayang pagdumi.
Ang mga banayad na kaso ng diverticulitis ay maaaring gumaling sa pamamagitan ng pahinga, pagbabago sa diyeta, at antibiotic.
Gayunpaman, kung malala o pabalik-balik ang kondisyon, maaaring kailanganin ang operasyon upang tanggalin ang apektadong bahagi ng colon.
Ang maagang pagsusuri at pagbabago sa pamumuhay, tulad ng pagdaragdag ng fiber sa diyeta, ay makatutulong upang mapamahalaan ang diverticulitis at mabawasan ang posibilidad ng mga komplikasyon.
Bagamat madali lamang magamot ang iba’t ibang kaso ng diverticulitis at hindi naman gaanong mapanganib, may ilang kaso ito na malubha.
Ang abdominal infection gaya ng diverticulitis ay karaniwang sanhi ng sepsis, ayon kay Dr. Niket Sonpal, assistant professor ng clinical medicine sa Touro College of Osteopathic Medicine, Harlem Campus.
Ang malubhang diverticulitis ay maaaring maging sanhi ng bowel obstruction.
Ang malulubhang kaso ng diverticulitis ay kinakailangan masuri ng doktor. Maaaring magreseta ang mga doktor ng intravenous antibiotics o magsagawa ng operasyon upang tanggalin ang mga bitukang may impeksiyon.
Ang diverticulitis ay madaling maiwasan sa pamamagitan ng ilang simpleng mga nakagawiang pangkalusugan na tumutulong upang mapanatili ang kalusugan ng colon.
Kailangan ang regular na ehersisyo, uminom ng maraming tubig, at pagpili ng pagkaing mayaman sa fiber, tulad ng mga prutas, gulay, whole grains, at legumes.









