Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga awtoridad sa Portugal para sa posibleng pagbabalik sa bansa ni dating Congressman Zaldy Co, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam sa kanya ng media sa New York, sinabi ni Marcos na kailangan ang kooperasyon mula sa bansa kung nasaan si Co sa proseso para siya ay maibalik sa Pilipinas.

Ayon kay Marcos, hindi basta-basta aarestohin ng mga awtoridad ng bansa ang isang tao na nasa labas ng kanilang huridiksyon.

Iginiit ng Pangulo na hindi maaaring basta na lamang magpadala ang law enforcement ng personnel sa abroad para arestohin si Co.

Ayon sa kanya, nagpadala na ang bansa ng kahilingan para sa Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) para tukuyin ang kinaroroonan ng dating kongresista.

-- ADVERTISEMENT --

Si Co ay isa sa mga sangkot umano sa mga maanomalyang flood control projects, at pinaniniwalaan na nagtatago sa Portugal.

Kinansela na ang kanyang pasaporte, subalit sinasabing mayroon siyang hawak na Portuguese passport, na nagpapahintulot sa kanya na manatili sa Portugal.