Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na titiyakin ang safety ng hog population sa bansa sa inaasahan na pagdating na bukas ng 10,000 na bakuna laban sa African swine fever.

Sinabi ni Marcos na ang rollout ng mga bakuna ay para sa backyard at commercial farms, na naging posible sa tulong ng pribadong sektor na nag-alok ng kanilang cold storage facilities.

Binili ng Department of Agriculture ang nasabing mga bakuna laban sa ASF sa pamamagitan emergency procurement.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na target na simulan ang vaccination sa maraming bayan sa Batangas at mapigilan ang lalo pang pagdami ng kaso ng ASF.

Naglatag naman ng mga alintuntunin ang Bureau of Animal Industry sa pagbabakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa BAI, walang bayad at boluntaryo ang gagawing anti-ASF vaccination.

Ibig sabihin hindi pipilitin ang mga magbababoy na isailalim ang kanilang mga alaga sa bakuna.

Paalala ng ahensya na ituturok lang ang mga bakuna sa mga baboy na walang sakit at hindi naman pwedeng turukan ang breeder na baboy.