Naghain ang mga mambabatas mula sa National Unity Party (NUP) ng dalawang panukala na naglalayong tuluyang ipagbawal ang pakikialam at paglahok ng mga opisyal ng gobyerno sa mga kontrata at government procurement.

Kabilang dito ang House Bill No. 7917 o ang Anti-“Cong-tractor” Bill, na nag-aamyenda sa New Government Procurement Act, at ang House Resolution No. 810 na naglalayong baguhin ang House Rules ng Kamara.

Sa ilalim ng mga panukalang ito, ituturing na “disorderly behavior” ang pagkakaroon ng direktang interes sa mga proyekto ng gobyerno, na maaaring magresulta sa pagkakatalsik o expulsion ng isang miyembro mula sa Kongreso.

Mahigpit na ipinagbabawal sa mga panukalang ito ang partisipasyon ng lahat ng elective at appointive na opisyal, kabilang ang kanilang mga kamag-anak hanggang sa ika-apat na antas, mga nominee, at beneficial owners sa anumang yugto ng bidding o procurement.

Ang sinumang lalabag ay mahaharap sa mabigat na parusa tulad ng awtomatikong diskwalipikasyon, pagbawi ng kontrata, blacklisting, at pagsasampa ng mga kasong administratibo, sibil, at kriminal.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay NUP Chairman Ronaldo Puno, prayoridad ng kanilang partido ang agarang pagpasa sa mga repormang ito upang matiyak ang integridad sa paggamit ng pondo ng bayan.