
Ilang grupo ang nagsagawa ng isang anti-korapsyon na motorcade caravan sa EDSA nitong Sabado ng hapon, Enero 31.
Nagsimula ang motorcade sa White Plains Avenue at tumuloy patungong Caloocan. Sakay ng mga motorsiklo at sasakyan, tinahak ng mga kalahok ang buong kahabaan ng EDSA habang may dalang mga bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng kanilang panawagan.
Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga tauhan sa kahabaan ng EDSA upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang aktibidad.
Kabilang sa mga lumahok sa motorcade ang dating kongresista na si Mike Defensor.
Ayon sa kanya, layunin ng kilos-protesta na manawagan ng pananagutan at pagkakakulong ng mga umano’y sangkot sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control, gayundin ang ipahayag ang galit ng publiko laban sa umano’y laganap na korapsyon sa pamahalaan.
Sinabi rin ni Defensor na ang kanilang pagkilos ay bunsod ng hindi pagtanggap ng House Committee on Justice sa kanilang inihain na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos at nakatakda pa umano silang magsagawa ng aksyon sa tanggapan ng Secretary-General ng Kamara sa mga susunod na araw, hanggang sa aniya’y mapanagot ang mga opisyal na dapat managot sa gobyerno.
Nanawagan din ang grupo para sa pagbabalik sa bansa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain laban sa kanya.










