
Inihayag ng apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na umatras sa kanilang mga naunang salaysay na ang orihinal umanong layunin ng kanilang grupo ay gamitin ang mga alegasyon upang i-blackmail ang ilang kilalang politiko at iba pang personalidad. Ayon sa kanilang mga affidavit, pinalalabas umanong tumanggap ng pera mula kay Co ang mga pinangalanang opisyal kapalit ng malaking halaga ng salapi kung magtatagumpay ang umano’y plano.
Inakusahan din ng mga dating bodyguard si abogado Levito Baligod na nangako umano ng malaking kabayaran sa kanila. Mariin naman itong pinabulaanan ni Baligod at iginiit na walang katotohanan ang mga alegasyon. Aniya, ang tanging ipinangako niya ay tulong sa sinumang mangangailangan at hindi malaking halaga ng pera.
Samantala, nanindigan si dating bodyguard George Villalon sa kanyang mga naunang pahayag at iginiit na ang apat na umatras sa kanilang salaysay ay inalok umano ng P20 milyon hanggang P25 milyon kapalit ng pag-recant.










