TUGUEGARAO CITY- Isinailalim na sa inquest proceeding kaninang umaga ang apat na kalalakihan kabilang ang isang 16 anyos na nahuling nagpa-pot session sa isang hotel sa bayan ng Baggao, Cagayan noong Mierkules.
Sinabi ni PCapt. Gil Pagulayan, hepe ng PNP Baggao na nagsagawa sila ng operasyon sa nasabing hotel matapos na may magbigay sa kanila ng impormasyon ukol sa ginagawa ng apat.
Ayon kay Pagulayan, nadatnan nila na nakakalat pa ang kumpirmadong shabu at drug paraphernalia sa kama.
Sinabi niya na unang itinanggi ng menor de edad na siya ay gumagamit ng iligal na droga subalit lumabas sa resulta ng kanyang drug test at maging ng kanyang mga kasama na positibo sila sa paggamit ng shabu.
Idinagdag pa ni Pagulayan na nakipag-ugnayan sila sa Municipal Social Welfare and Development ng Baggao para sa disposition sa menor de edad subalit binigyan sila ng certificate of discernment kaya isinama pa rin siya sa sinampahan ng kaso.