Isang umano’y confidential agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto matapos ang naganap na insidente ng putukan sa loob ng Senado kagabi, ayon kay Senador Imee Marcos.

Ang naturang indibidwal daw ay naaresto matapos umanong kunin ang isang tactical bag na naiwan sa hagdanan ng ikalawang palapag ng gusali ng Senado, kung saan narinig ang mga putok ng baril.

Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng sinasabing NBI personnel at kung sino ang mismong nag-aresto sa kanya.

Pero giit ng Senadora, sinabi umano ng naturang indibidwal na ang kanyang boss ay isang “Atty. Bomediano” ng NBI-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD).

Dagdag pa ng sinasabing agent, ang kanyang superior umano ang nag-utos ng operasyon na may kaugnayan sa pag-aresto kay Senador Ronald ”Bato” dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok naman ni Sen. Imee si Bomediano na magpaliwanag kaugnay ng nangyaring kumosyon sa Senado, na nauwi sa lockdown at putok ng baril.

Samantala, una nang itinanggi ni NBI Director Melvin Matibag na walang tauhan ang NBI na ipinadala sa Senado taliwas sa pahayag ng senadora.