Apat na lalaki ang dinakip matapos umanong mahulihan ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia habang nasa loob ng isang modular tent sa isang evacuation center sa Barangay Hagonoy, Taguig City.

Ayon sa ulat, nabulabog ang mga evacuee nang dumating ang mga pulis sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon tungkol sa kahina-hinalang mga tao na pumasok sa kanilang lugar.

Ayon sa mga bantay sa evacuation center, natunugan nila ang kahina-hinalang galaw ng mga tao na nasa loob ng isa sa mga tent nang magpapasok ang mga ito ng mga bisita na hindi naman evacuees.

Sinabi pa ng mga bantay, inikutan nila ang tent, at nang mapansin na sarado ito, tumawag na sila ng mga pulis.

Mataas at enclosed ang tent kung saan nahuli ang mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng pulisya na agad silang nagsagawa ng beripikasyon nang matanggap nila ang sumbong sa kahina-hinalang kilos ng nasabing grupo.

Ayon sa mga ito, pagbukas nila ng tent ay nakita nila ang mga nasabing kalalakihan na nagbabalak pa lamang na mag-pot session.

Sinabi ng pulisya, posibleng peligroso ang maging epekto sa mga kapwa mga evacuee kung naituloy nila ang kanilang planong pot session.

Bukod sa amoy, posibleng may iba pang kasamaang magawa ang mga suspek kung sakaling nasa impluwensya na sila ng ilegal na droga.