Nagpaabot ng pakikiramay si Apostolic Nuncio at Dean of the Diplomatic Corps Archbishop Charles John Brown sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao sa ginanap na Vin d’Honneur sa Malacañang.

Ayon kay Brown, nakikiisa ang Diplomatic Corps sa pagdadalamhati ng mga Pilipino, lalo na ng mga naapektuhan ng kalamidad sa Mindanao. Sa pinakahuling tala, mahigit 50 katao na ang nasawi matapos ang malakas na lindol na tumama sa karagatang sakop ng Sarangani noong Hunyo 8.

Kasabay nito, binati rin ni Brown ang Pilipinas sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at pinuri ang katatagan at tiyaga ng mga Pilipino sa pagharap sa mga pagsubok.

Pinuri rin ng opisyal ng Vatican ang aktibong papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng diplomasya, mapayapang pagresolba ng mga sigalot, at kooperasyong pandaigdig, kabilang ang pamumuno nito ngayong taon sa ASEAN.