Sinabi ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo Cayosa na hindi basta maaaring paghiwalayin nina Bise Presidente Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio ang kanilang mga ari-arian habang iniimbestigahan ng Senado, bilang impeachment court, ang kanilang financial at tax records. Ipinaliwanag ni Cayosa na sa ilalim ng batas, ang mga mag-asawang walang kasunduang hiwalay ang ari-arian bago ikasal ay saklaw ng absolute community of property, kaya kabilang sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng isang opisyal ang mga ari-arian at pananagutan ng kanyang asawa.

Batay sa kanilang pinagsamang SALN, umabot sa mahigit P98.6 milyon ang net worth ng mag-asawa noong 2025, mas mataas ng 11.46 porsyento kumpara noong 2024. Aniya, kung nais ng mag-asawa na manatiling magkahiwalay ang kanilang mga ari-arian, kinakailangan itong napagkasunduan sa pamamagitan ng isang kasunduan bago pa sila ikasal.

Noong Hulyo 30, pormal na natanggap ng Senate impeachment court ang financial at tax records nina Bise Presidente Duterte at Carpio, gayundin ang mga dokumentong isinumite ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang bahagi ng nagpapatuloy na impeachment trial. Samantala, naghain si Carpio ng mga reklamo laban sa ilang miyembro ng House justice committee kaugnay ng umano’y hindi awtorisadong paglalantad ng kanilang bank transaction records.