Naglabas ng pahayag nitong Sabado, Mayo 9, ang Partido Demokratiko Pilipino kaugnay ng mga ulat tungkol sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Ferdinand Topacio, vice national spokesperson ng PDP, kung mapatutunayang totoo ang naturang warrant ay maituturing umano itong paglabag sa soberanya at kalayaan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa.

Binatikos din ng partido ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.

Iginiit ng PDP na dapat pairalin ng pamahalaan ang sariling hurisdiksyon ng bansa at huwag hayaang maapektuhan ang dignidad ng Pilipinas bilang isang nagsasariling estado.

Anila, hindi dapat umakto ang gobyerno bilang “neo-colonial lapdog” ng mga dayuhang kapangyarihan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng partido na hindi dapat maulit ang umano’y “kaduwagan at katrayduran” na ginawa noon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa sa partido, dapat tandaan ni Pangulong Marcos na hindi maitatama ng isang pagkakamali ang panibagong pagkakamali.

Binigyang-diin din ng PDP na si Dela Rosa ay inihalal ng milyun-milyong Pilipino at nararapat lamang na mapangalagaan ang kanyang mga karapatan at ang due process.

Tiniyak naman ng partido na gagamitin nito ang lahat ng legal na hakbang upang ipagtanggol si Dela Rosa at ang karapatan umano ng bawat Pilipino laban sa anila’y pamumulitika at pang-aabuso.

Nanawagan din ang PDP sa publiko na tutulan ang anumang hakbang na sa tingin nila ay paglabag sa karapatan ng mamamayan, sa pamamagitan ng mga paraang naaayon sa batas.

Samantala, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC hinggil sa umano’y warrant of arrest laban kay Dela Rosa.