Itinakda na ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang mga alituntunin at iskedyul ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsisimula sa Nobyembre 30.

Sa unang araw ng proceedings, babasahin kay Duterte ang mga kasong crimes against humanity na kinumpirma ng korte noong Abril 23. Hindi na kabilang sa babasahin ang mga partikular na insidenteng nakapaloob sa tatlong counts.

Pagkatapos nito, tatanungin si Duterte kung nauunawaan niya ang mga paratang at bibigyan ng pagkakataong umamin o tumanggi sa mga kasong isinampa laban sa kaniya.

Susundan ito ng opening statements ng prosecution na may dalawang oras at 15 minuto, legal representatives ng mga biktima na may isang oras at 30 minuto, at depensa na may isang oras. Kaagad namang magbibigay ng testimonya ang unang saksi ng prosekusyon pagkatapos ng mga pahayag.

Apat na isang-oras na hearing block ang nakatakda bawat araw, mula alas-5 hanggang alas-11 ng gabi, oras sa Pilipinas, na may mga pagitan.

-- ADVERTISEMENT --

Magsisimula ang unang bahagi ng proceedings sa Nobyembre 30 at magpapatuloy hanggang sa judicial recess ng korte sa Disyembre 18.

Samantala, itinakda na rin ang mga pagdinig para sa paglalahad ng ebidensya mula Enero hanggang Abril 2027. Inaasahang magpapatuloy ang mga ito sa tatlong yugto: Enero 12 hanggang Pebrero 19, Marso 1 hanggang 24, at Abril 5 hanggang 30.