Mula sa tahimik na lungsod ng Tuguegarao City hanggang sa entablado ng pandaigdigang pelikula, unti-unting binubuo ng batang Filipina ang kanyang pangalan sa mundo ng international cinema.

Si Rada Rae, isang Austrian-Filipino actress na isinilang sa Tuguegarao noong 2014, ay mapapanood sa Hollywood film na The Hunger Games: Sunrise on the Reaping, na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Nobyembre 20, 2026.

Sa pelikulang ito, gaganap siya bilang si Wellie — isang mahalagang hakbang sa kanyang lumalawak na karera sa pag-arte.

Bagama’t kakaunti pa lamang ang detalye tungkol sa kanyang maagang buhay, siya ay nasa ilalim ng pamamahala ni James Symington ng Symington Talent Management, na nagpapakita ng kanyang patuloy na pag-angat sa global entertainment industry.

Ang kanyang appearance sa isang major Hollywood franchise ay hindi ang kanyang una, kung saan lumikha siya ng impresibong portfolio ng roles sa film at telebisyon sa murang edad.

-- ADVERTISEMENT --

Noong 2025, ginampanan niya ang karakter na Aileen Kynch sa Netflix film na Exterritorial, na nakakuha ng 80% na rating sa Rotten Tomatoes.

Ang nasabing rating ay nagpapakita sa positive reviews mula sa professional critics, at patunay ito na mahusay ang mga artista, kabilang si Rae.

Bukod sa pelikula, lumabas din siya sa television series House of David bilang si Avva sa isang supporting role.

Nauna rito, naging bahagi rin siya ng kilalang series na Nine Perfect Strangers kung saan ginampanan niya ang karakter na Rebecca, kasama pa ang iba’t ibang international short films at commercials.

Sa kanyang nalalapit na paglahok sa franchise ng Hunger Games, inaasahang mas lalo pang makikilala si Rae sa buong mundo.

Isa siya sa mga batang talents na dapat abangan habang patuloy niyang pinapanday ang kanyang pangalan sa pandaigdigang industriya ng pelikula.