
Humiling sa Korte Suprema ang asawa ng peace consultant na si Vicente “Vic” Ladlad, na si Fides Lim, na atasan ang Metro Manila District Jail na iharap ang kanyang asawa sa pamamagitan ng isang writ of habeas corpus dahil umano sa patuloy nitong pagkakakulong na aniya ay naging mapaniil at labag sa Konstitusyon.
Sa inihain nitong 26-pahinang petisyon, hiniling ni Lim sa Korte Suprema na utusan ang jail warden ng Metro Manila District Jail na si **Mar Jan Mabunga na iharap si Ladlad sa loob ng 24 oras at ipaliwanag ang umano’y iligal na pagpigil at patuloy na pagdetine rito.
Iginiit ni Lim na lumala na ang kalagayan ng 77-anyos na si Ladlad habang nasa kustodiya ng pamahalaan. Aniya, bukod sa dati nitong chronic obstructive pulmonary disease at hypertensive cardiovascular disease, humina pa ang kanyang pangangatawan dahil sa COVID-19, pulmonya at tuberculosis. Binanggit din niyang papasok na sa ikawalong taon ang paglilitis sa kanyang asawa at paulit-ulit na umano itong nasasangkot sa mga bagong kaso sa kabila ng mga naunang pag-absuwelto ng mga korte.










