
Tiniyak ng South Korea na magpapatuloy nang walang aberya ang nakakontratang delivery ng graphics processing units o GPUs mula sa Nvidia sa kabila ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng CEO nitong si Jensen Huang.
Ayon kay Deputy Science Minister Ryu Jemyung, nasa 10,000 GPUs na pinondohan sa ilalim ng supplemental budget noong 2025 ang naihatid na at kasalukuyang ginagamit na.
Nasa ilalim na rin umano ng kontrata ang mga nakatakdang delivery para sa 2026 at inaasahang maipapasok sa serbisyo ngayong taon.
Samantala, nagbukas ng independent investigation ang board ng Nvidia kaugnay ng mga ulat na naging target umano ng intelligence operation ng China si Huang sa pamamagitan ng kanyang ugnayan sa isang negosyante.
Gayunman, sinabi ng board na wala silang nakikitang dahilan upang maniwalang nakompromiso ang national security ng Estados Unidos o ang mga lihim na impormasyon ng kompanya.










