Tinututukan sa Pilipinas ang mas malalim na ugnayan ng mga legal profession sa Timog-Silangang Asya kasunod ng kauna-unahang ASEAN Bar Leaders’ Summit na ginanap sa bansa.

Dinaluhan ng mga kinatawan ng bar associations mula Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Vietnam ang apat na araw na pagtitipon sa EDSA Shangri-La Manila, sa pangunguna ng Integrated Bar of the Philippines.

Ayon kay IBP National President Atty. Allan Panolong, nakatuon ang summit sa paghahanap ng mas istrukturadong kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa ASEAN, lalo na sa pagharap sa mga isyung may kinalaman sa cross-border legal concerns at digital crimes.

Binigyang-diin din na sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, kabilang ang artificial intelligence, kinakailangan ang mas pinatibay na koordinasyon upang mapanatili ang epektibong pagpapatupad ng batas sa rehiyon.

Sa keynote address, sinabi ni Alexander Gesmundo na ang kasalukuyang hamon sa legal system ay hindi na limitado sa domestic na usapin, kundi tumatawid na sa mga hangganan ng mga bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Tinalakay rin sa summit ang panukalang pagbuo ng ASEAN Federation of Bar Associations, na layong gawing pormal ang isang regional legal body upang mas maging tuloy-tuloy ang mga programa ng kooperasyon sa rehiyon.

Ayon kay Panolong, maaaring magbukas ito ng mas mabilis na mekanismo ng tulong para sa mga Pilipino na may kinahaharap na legal na usapin sa ibang bansa sa ASEAN.

Samantala, tinalakay din ang papel ng artificial intelligence sa legal practice.

Ayon kay Senior Associate Justice Marvic Leonen, dapat manatiling sentro ng desisyon ang human judgment, at magsilbi lamang na pantulong ang AI sa proseso ng hustisya.