Nagprotesta kamakailan ang Ghana Drunkard Association upang ipahayag ang kanilang ma­riing pagtutol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga inuming alak sa kanilang bansa.

Sa isang kilos-protesta na isinagawa sa lungsod ng Accra, hiniling ng grupo sa pamahalaan na agarang tugunan ang kanilang hinaing at bigyan ng solusyon ang tumataas na presyo ng mga alak.

Ayon kay Moses Onyah, kilala rin bilang “Dry Bone” at pangulo ng nasabing samahan, ramdam ng kanilang milyun-milyong kasapi ang 15 percent na pagtaas ng presyo ng alak. Binanggit pa niya na habang bumababa ang presyo ng ibang bilihin dahil sa malakas na ekonomiya, nananatiling mataas ang halaga ng alak.

Nagbigay ng tatlong linggong ultimatum ang samahan sa pamahalaan upang masolusyunan ang isyu, at nanawagan din sila ng tulong mula sa kanilang dating Presidente na si John Dramani Mahama. Binigyang-diin ni Onyah na handa silang magsagawa ng mas malawakang protesta sakaling mabigo ang pamahalaan na pakinggan ang kani­lang panawagan.

Bagama’t may katawa-tawang pangalan, ang Ghana Drunkards Association (GDA) ay isa sa mga pinakaki­lalang asosasyon sa Ghana, na may tinatayang mahigit 6.6 million members.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi lamang tungkol sa inuman ang GDA, kilala rin ang grupo sa pagsusulong ng responsableng pag-inom, kabilang ang mga kampanya kontra sa pagmamaneho habang lasing at mga proyektong pang-edukasyon sa tamang pagkonsumo ng alkohol.

Modernong samahan ang GDA, ginagamit nila ang social media at mga digital platform para palaganapin ang kanilang adbokasiya. Naitala rin na naglunsad sila ng isang app para makapag-order ng alak online, upang mapababa ang insidente ng aksidente sa kalsada.

Sa kabila ng satirikong imahe, malaki ang naitutulong ng samahan sa pagtutok ng pansin sa mga isyung panlipunan at pangkabuhayan na nakaaapekto sa kanilang sektor.

Sa kasalukuyan, patuloy ang panawagan ng GDA para sa patas na presyo ng alak at responsableng pag-inom, habang bukas din sila sa dayalogo at koope­rasyon sa pamahalaan para sa ikabubuti ng kanilang mga kasapi at ng lipunang Ghanaian.