
Tutol ang Automobile Association of the Philippines (AAP) ang panukala ng Department of Transportation (DOTr) na palawigin sa limang taon ang vehicle registraton mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Binigyang-diin ng AAP na lilikha lamang umano ito ng mas maraming problema sa halip na mga solusyon.
Sinabi ni AAP President Augustus “Joe” Ferreria ang focus dapat ay ang pagpapabuti sa government efficiency, kung saan tinukoy niya ang mahabang pila sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa kanya na ang gustong gawin ng pamahalaan ay mabawasan ang bilang ng mga taong nagpaparehistro ng kanilang mga sasakyan.
Ipinunto niya na sa ilalim ng five-year registration system, maiipon umano ang mga multa, at mas malaki ang babayaran ng mga may-ari ng mga sasakyan, dahil sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) ang itinatala ay mga sasakyan sa mga violation at hindi mga individual drivers.
Samantala, iginiit ni acting DOTr Secretary Giovanni Lopez ang kahalagahan ng pagtiyak sa roadworthiness ng mga sasakyan.
Ipinaliwanag din niya na ang panukalang sistema ay may layunin na mabawasan ang mahabang pila sa mga tanggapan ng LTO.
Sa ilalim ng panukala, palalawigin ang vehicle registraton sa limang taon, subalit simula sa ika-anim na taon, kailangan na ang taunang renewals.
Target ng DOTr na maglabas ng department order sa February 15 at plano na makipagpulong sa LTO para sa memorandum order.










