
Ibinasura umano ang asylum request ni dating presidential spokesperson Harry Roque, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press briefing, sinabi ni Remulla na tapos na ang limang buwang proseso ng asylum application ni Roque at ito ay tinanggihan. Hindi naman tinukoy ng kalihim kung anong bansa ang nagbasura sa kanyang asylum request.
Ayon kay Remulla, hihintayin muna ang mga kinakailangang proseso at kung magkakaroon ng red notice mula sa International Criminal Police Organization o Interpol laban kay Roque, nakahanda umano siyang tumulong sa pagpapabalik nito sa Pilipinas.
Nauna nang kinumpirma ni Roque noong Nobyembre 2025 na nag-apply siya ng asylum sa Netherlands noong Marso ng parehong taon. Iniulat na ini-refer ang kanyang aplikasyon sa Austria dahil doon siya nabigyan ng visa.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng POGO firm na Lucky South 99. Ayon naman sa Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC, hiniling na ng pamahalaan sa Interpol ang pag-isyu ng red notice laban sa dating opisyal.








