
Naiuwi ng isang atletang Cagayano ang isang bronze medal para sa Pilipinas matapos magtagumpay si Xsandrei Viande Rubino Guimba, tubong Mabbutal West, Ballesteros, Cagayan, sa 33rd Southeast Asian (SEA) Games 2025.
Kasama ang kanyang koponan, ipinamalas ni Guimba ang husay sa Short Track Speed Skating – Women’s Open Relay 3000m na ginanap noong Disyembre 18–19, 2025 sa Bangkok, Thailand.
Sa kabila ng matinding kompetisyon, nanaig ang kanilang bilis at teamwork upang makamit ang podium finish.
Lubos naman ang pagbati at suporta ng kanyang pamilya at mga kababayan sa karangalang kanyang naipagkaloob sa bansa.
Ang panalong ito ay patunay ng disiplina at dedikasyon ni Guimba, at nagsisilbing inspirasyon sa iba pang atletang Cagayano na mangarap at magtagumpay sa larangan ng isport.










