
Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG)Secretary Jonvic Remulla na iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga alegasyon na nag-uugnay sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at isang police major sa Bacolod City sa isang Chinese triad na umano’y nag-ooperate sa Negros Island.
Ayon kay Remulla, may posibilidad ang naturang ugnayan dahil dati umanong madalas pumunta si Ang sa lugar.
Ang pahayag ay kaugnay ng sinabi ni Talisang City Mayor Rowena Lizares na maaaring konektado si Ang sa 10 Chinese nationals na naaresto dahil sa pagpapatakbo ng iligal na pabrika ng sigarilyo sa isla.
Kinilala rin ni Remulla ang iniimbestigahang opisyal ng pulisya bilang si PMAJ Edgar Tonico Jr., hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bacolod.
Si Tonico ay dati pang pinuri ni Robert Morico II dahil sa matagumpay na operasyon laban sa mga hinihinalang gunrunner sa Kabankalan City noong nakaraang taon.
Noong Abril 24, bumisita sina Remulla at PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa Negros matapos ibunyag ng CIDG ang isang malawakang operasyon ng ilegal na paggawa at distribusyon ng sigarilyo sa Negros Occidental, na tinatayang nagkakahalaga ng halos ₱799 milyon.
Ang 10 naarestong Chinese nationals ay sina Fugong Jiang, Wu JianQun, Xu Ke, Li Hong, Ye Jun, A Yac, Tan Jing, Wu Shaobin, Eron Chen, at Pan Zongxing.
Ayon kay Remulla, ang police major na inaakusahan na nagpoprotekta sa sindikato ay nasa preventive custody na, ngunit hindi pa pinapangalanan dahil sa patuloy na imbestigasyon.










