
Bumaba sa $98 bilyon ang gross international reserves (GIR) ng Pilipinas sa pagtatapos ng Oktubre mula sa naunang antas nito, habang nagtala rin ang bansa ng $1.5 bilyong balance of payments (BOP) deficit sa nasabing buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Iniugnay ng BSP ang pagbaba ng reserba sa foreign exchange operations, paghina ng presyo ng ginto sa pandaigdigang merkado, at pag-withdraw ng foreign currency ng pamahalaan para sa pagbabayad ng utang panlabas at iba pang gastusin.
Gayunman, tiniyak ng BSP na sapat pa rin ang reserba upang tustusan ang 6.1 buwang importasyon ng bansa at bayaran ang mga panandaliang obligasyon sa utang panlabas.
Samantala, umabot na sa $10.6 bilyon ang kabuuang BOP deficit ng Pilipinas mula Enero hanggang Oktubre 2026, mas mataas kumpara sa $4.6 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.









