
Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na itinuturing na ngayon bilang number one most wanted fugitive ng ahensya.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, itinuturing na “armed and dangerous” si Ang batay sa intelligence reports na nagsasabing may kasama itong hindi bababa sa 20 bodyguards, kahit pa binawi na ang kanyang mga lisensya sa baril.
Dagdag pa niya, sanay umano si Ang sa marahas na pakikitungo sa mga awtoridad kaya nag-iingat ang pulisya sa operasyon.
Binigyang-diin ng DILG na gagamitin ang lahat ng legal na paraan upang maaresto si Ang, kasabay ng katiyakang walang magaganap na extrajudicial killing (EJK).
Ayon sa DILG, ang P10-milyong pabuya ay magmumula sa intelligence fund ng ahensya at ibibigay sa “no questions asked” basis.
Sinabi ni CIDG Director PMGen. Robert Morico II na sinubukan ng mga awtoridad na isilbi ang mga warrant of arrest sa apat na kilalang lokasyon na may kaugnayan kay Ang sa Metro Manila, Lipa City, at Laguna, ngunit wala siya sa mga naturang lugar.
Patuloy pa rin ang operasyon upang matunton ang kinaroroonan ng suspek.
Bilang bahagi ng manhunt, binawi ng PNP ang lahat ng firearm licenses ni Ang, na inaprubahan ni Acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Inatasan din ang mga abogado ni Ang na isuko ang anim na baril na nakarehistro sa kanyang pangalan.
Humiling na rin ang mga awtoridad ng Interpol Red Notice sa pamamagitan ng National Central Bureau sa Maynila sakaling makalabas ng bansa si Ang.
Nakikipag-ugnayan na rin ang CIDG sa Bureau of Immigration para sa hold departure order at inirekomenda ang pagsama ng pangalan ni Ang sa national most wanted list na may katumbas na pabuya.










