Inamin ni financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera na wala siyang ginamit na dokumentong direktang nagmula kina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases “Mans” Carpio sa paggawa ng kaniyang ulat tungkol sa kanilang rekord pinansyal.

Sa cross-examination ng abogado ng depensa na si Kristine Ferrer noong ika-38 araw ng impeachment trial, kinumpirma ni Cabrera na hindi rin niya kinapanayam sina Duterte at Carpio, gayundin ang kanilang mga accountant at auditor.

Ayon kay Cabrera, kabilang sa mga sinuri niyang dokumento ang SALN ni Duterte mula 2022 hanggang 2025, mga ulat ng Anti-Money Laundering Council, income tax returns ng mag-asawa, bank statements at financial statements ng mga kumpanyang may kaugnayan sa kanila.

Sinabi rin ng analyst na nagsimula siyang makatanggap ng mga dokumento mula sa prosekusyon noong ikalawang linggo ng Setyembre, ngunit hindi niya matandaan kung may kasamang mga liham na nagtatala sa pagpapasa ng mga ito.

Sa nauna niyang testimonya, iniulat ni Cabrera na umaabot umano sa ₱817.87 milyon ang hindi naideklarang mga ari-arian at kita ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025. Bahagi ito ng mga alegasyong tinatalakay sa impeachment trial laban sa Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --