Isa si Atty. Ferdinand Topacio na itinalagang tumulong sa legal na depensa ni Sen. Bato dela Rosa hinggil sa kanyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Atty. Topacio, na siyang deputy spokesperson din ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan, inatasan siya ni PDP Chairman Alfonso Cusi upang asikasuhin ang legal na pangangailangan ni Dela Rosa sa gitna ng isyu.

Nauna nang iginiit ni Topacio na maituturing umano itong pagyurak sa soberanya ng Pilipinas, lalo’t kumalas na ang bansa sa Rome Statute.

Binatikos din ng PDP ang kasalukuyang administrasyon dahil sa umano’y patuloy na pakikipag-ugnayan sa international tribunal.

Giit pa ng partido, dapat igalang ang hurisdiksyon ng bansa at masiguro ang due process para kay Dela Rosa, na inihalal ng milyun-milyong Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak din nila na gagamitin ang lahat ng legal na hakbang upang ipagtanggol ang senador at ang karapatan ng mga mamamayan laban sa anumang pang-aabuso.

Kaugnay naman ng subpoena ng NBI, sinabi ni Topacio sa isang panayam na naniniwala siyang isa itong anyo ng harassment laban sa senador upang gipitin ang mga kritiko ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, kung siya ang nasa posisyon ni Dela Rosa, maaari niyang balewalain ang subpoena upang maprotektahan ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.

Kung maalala, kahapon ay nasa Senado rin ang isa pang legal counsel ng mambabatas na si Atty. Jimmy Bondoc upang tiyaking nasusunod ang mga karapatan ni Sen. Bato.

Nasa Senado rin ngayon si Atty. Israelito Torreon, pero wala pang inilalabas ang kanilang kampo kung sila na bang tatlo ang bubuo ng mga tutulong sa Senador.