Patuloy ang ginagawang pagsasaayos ng mga miyembro ng Northeastern Luzon Electric Cooperatives Association (NELECA) na kinabibilangan ng mga electric cooperative sa Region 2 para sa pagpapanumbalik ng mga linya ng kuryente sa Surigao del Norte na pinabagsak ng bagyong Odette.

Ayon kay Frances Obispo ng CAGELCO-1, na nakarating noong nakaraang Linggo, January 13 ang dalawang grupo na ipinadala ng kooperatiba upang tumulong sa pagsasaayos ng mga pasilidad at pagbabalik ng serbisyo ng kuryente sa lugar.

Kabilang sa Task Force Kapatid-Odette na ipinadala ng CAGELCO-1 ay ang sampung linemen at dalawang driver na pawang mga fully vaccinated kontra COVID-19

Bukod dito ay nagpadala rin ang CAGELCO 1 ng dalawang sasakyan at mga gamit na kakailanganin sa kanilang operasyon sa Surigao Del Norte Electric Cooperative (SURNECO) sa loob ng isang buwan o higit pa.

Sinabi ni Obispo na ang naturang hakbang ng kooperatiba ay bilang pagbabalik at pagtanaw ng utang na loob mula naman sa mga electric cooperatives sa Visayas na tumungo sa Cagayan, upang tumulong sa power restoration nang manalasa ang Super Typhoon Lawin sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon aniya ay malaking bahagi pa ng Surigao Del Norte ang hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente matapos tumama sa Visayas ang bagyong Odette noong ika-16 ng Disyembre ng nakaraang taon.