Ilalabas ngayong araw ang resulta ng autopsy ng nagbitiw na si Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral, ayon kay Philippine National Police Public Information Office chief Police Brigadier General Randulf Tuaño.

Gayunman, sinabi ni Tuaño na walang isinagawang DNA test sa autopsy na isinagawa kaninang umaga.

Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Cordillera Administrative Region na agad na magsagawa ng autopsy kay cabral, dahil sa kahinahinala na kaganapan na bumabalot sa kanyang pagkamatay.

Una rito, tumanggi ang pamilya na i-autopsy ang labi ni Cabral.

Sinabi ng asawa ni Cabral na si Cesar na ang kahilingan ng kanilang pamilya ay maiuwi sa Metro Manila ang mga labi ng kanyang asawa.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan ay pumayag din sila na isailalim sa autopsy si Cabral.

Samantala, sinibak ang hepe ng Tuba, Benguet municipal police sa kanyang puwesto dahil sa pagkukulang sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral.

Sinabi ni Tuaño na nalaman ng regional police office na nagkaroon ng pagkukulang sa pagkuha sa mga ebidensiya sa pag-iimbestiga sa nasabing insidente.

Hindi naman sinibak si Benguet Police chief Police Colonel Lambert Suerte matapos ang matagumpay na negosasyon sa pamilya ni Cabral para sa autopsy.

Si Cabral na itinuturing na mahalagang personalidad sa malawakang korupsyon sangkot ang flood control projects, ay namatay matapos na mahulog umano sa Bued River sa Tuba, Banguet, may 20 hanggang 30 metro mula sa bahagi ng Kennon Road.