Nagpapako sa krus ang isang 58-anyos na si Engracia Jumaquio Valencia sa Barangay Kapitangan, Paombong, Bulacan, eksaktong alas-12:03 ng tanghali kahapon na katirikan ng araw.

Ika-39 na taon ng manghihilot at faith healer na mas kilala bilang ‘Precy’ sa pagpapapako sa krus bilang paggunita sa sakripisyo ng Panginoong Hesukristo, ayon sa kanyang asawang si Celestino Valencia.

Ayon Celestino, 16-anyos pa lang si Precy nang unang nagpapako sa krus noong 1984 sa Barangay Sto. Cristo, Paombong kung saan siya ipinanganak.

Mula noon ay taun-taon na siyang nagpapapako sa krus tuwing Biyernes Santo.

Nahinto lang ang tradisyon ng tatlong taon mula 2020 hanggang 2022 dahil sa covid 19 pandemic.

-- ADVERTISEMENT --

Pitong pulgadang concrete nail ang ginamit sa pagpako sa dalawang paa ni Precy habang tig-apat na pulagadang concrete nail naman ang ipinako sa dalawa niyang kamay.

Ayon Celestino, ang tatlong pako na ito ang ginagamit sa pagpapako kay Precy kada taon mula 1984.

Para pangalagaan ang mga pako ay inilalagay ito sa isang bote at ibinababad sa langis.

Bukod sa paglalagay ng alcohol ay wala nang ritwal si Precy bago ang pagpapapako sa krus, kwento pa ni Celestino.

Sa karanasan aniya ay gumagaling na ang mga sugat sa kamay at paa ni Precy tuwing Sabado de Gloria pero inaasahang sa Pasko ng Pagkabuhay pa muling kakain ng solid food si Precy.

Bukod sa panghihilot ay abala din si Precy sa pananahi ng baro ng Poon.

Si Celestino naman ay nagtatrabaho sa konstruksyon.

Pinaniniwalaan ng kanilang pamilya na mula 12-anyos ay sinaniban na ng Santo Niño de Cebu si Precy at mula noon ay naglakbay na siya sa iba’t ibang simbahan.

Balak ng kanilang pamilya na dumayo sa Tuburan, Cebu sa 2027 para doon magpapako si Precy sa huling pagkakataon bago siya magretiro.