TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang PNP sa isang 22 years old na babae na nagpakilala na isang Police Major na nangikil umano sa limang PNP applicants na mula sa Cagayan at Isabela na nahuli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG.

Sinabi ni PLTCOL Andree Abella, information officer ng PNP Region 2 na posibleng may kasabwat si Jebelyn Buncag ng Isabela na nagpakilala na si Major Sharylyn Raffin.

Batay sa salaysay ng mga nagreklamo, may nag-text umano sa isa mga aplikante kung gusto nilang mag-apply sa PNP na sinabi din nito sa apat pang mga biktima na kanyang mga kakilala na dalawa mula sa Lasam at isa mula sa Alcala, Cagayan at dalawa mula sa Isabela.

Dito na nila nakilala ang suspect kung saan ay naniwala naman sila dahil nagsusuot siya ng uniporme ng pulis at nagpakilala na Police Major.

At sa panahon na nasa pangangalaga sila ng suspect ay pinag-excercise niya ang mga ito para umano handa sila sa training kung makapasok na sila sa PNP.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Abella na nakapagbigay na umano ang isa sa mga biktima ng P750, 000 sa pamamagitan ng installment.

Nagduda lang ang mga biktima dahil pitong buwan na sila na kasama ang suspect at palipat-lipat sila ng boarding house na sila din ang nagbabayad ay wala pang nangyayari sa kanilang aplikasyon.

Bukod dito, nagagalit din umano ang suspect sa tuwing tinatanong nila ang tungkol sa kanilang aplikasyon.

Sinabi pa ni Abella na isa umano sa tinirhan nilang boarding house ang ninakawan umano ng cellphone.

Ayon kay Abella, nang isagawa ang entrapment operation ay gamit pa ng suspect ang motorsiklo ng isa sa kanyang mga biktima na tinangay ng suspect.

Dahil dito, sinampahan ng kasong carnapping at large scale estaffa ang suspect.