TUGUEGARAO CITY-Boluntaryong sumuko sa 86th Infantry Batallion, Philippine Army ang isang babaeng medical officer umano ng New Peoples Army na kumikilos sa Southern Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.
Kinilala ni Major Jekyll Julian Dulawan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division ang nagbalik loob sa gubyerno na si alyas “Nika”, 30-anyos at residente sa bayan ng Maddela, Quirino.
Aniya, labing pitong taong gulang si alyas ‘Nika’ nang puwersahin siyang sumapi sa mga rebeldeng NPA at ginawang Medical Officer ng Rehiyon Sentro De Gravidad, Komiteng Rehiyon- Cagayan Valley (RSDG-KRCV).
Gayunman, nakonsensiya at naawa umano siya sa kanyang mga kasamahan na namamatay at nasusugatan sa mga engkwentro, dagdag pa ang sobrang hirap na kanilang naranasan sa kabundukan.
Kasabay ng pagsuko ay itinuro rin ni alyas “Nika” ang pinagtataguan ng grupo ng mga pampasabog kung saan matagumpay na narekober ng militar ang apat na Improvised Explosive Device (IED)
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng 86th IB si alyas ‘Nika’ at ipinoproseso na ang tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde.