Sinampahan ng kasong Estafa ang isang tindera matapos na hindi mabayaran ang P54k na kabuuang halaga ng ipina-money transfer nito mula sa isang negosyante sa bayan ng Abulug, Cagayan.
Ayon kay PMAJ Antonio Palattao, Officer-in-Charge ng PNP Abulug, agad nagreport sa pulisya ang biktimang si Chrizelle Sanki Climente, 27 anyos, negosyante at residente ng Brgy. Mabuttal East, Ballesteros, Cagayan matapos na tangkaing takbuhan ng suspek na si Annie Marisno, 44 anyos, fish vendor na residente sa Brgy. Upper Maton, Pudtol, Apayao ang kanyang ipina-transfer na halaga ng pera.
Una rito ay nagtungo aniya sa store ng biktima si Marisno at nagpa-transfer ng pera gamit ang gcash na naka pangalan sa J Teresita O. at sa unang transaksyon ay nakapagpadala ang biktima ng P10k sa ibinigay na numero ni Marisno at kalaunan ay nasundan muli ito ng P10k habang sa pangatlong pagkakataon ay P14k at sa huling transaksyon ay P20k.
Ngunit ng sisingilin na ang suspek ay nagmadali itong umalis subalit naharang at nahuli agad ng mga tauhan ng negosyante at dinala sa pulisya.
Sinabi ni Palattao na batay sa naging paliwanag ng suspek ay may tumawag umano sa kanya na nagsasabing nanalo ito sa programa ni “Willie Revillame” at upang ma-claim ang kanyang premyo ay pinagpapadala siya ng naturang halaga gamit ang numero na nakapangalan sa J Teresita O.
Nang hanapin ng mga otoridad ang call log transaction nito ay nabura na ang mga ito maging ang mga transaction o detalye ng mga account numbers.
Dahil dito ay hindi aniya inaalis ang posibilidad na maaaring kasabwat nito ang napadalhan ng pera kayat sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na aniya sila sa anti-cyber crime unit ng PNP upang matukoy ang may-ari ng nasabing numero.