TUGUEGARAO CITY-Hawak na ng mga otoridad ang isang babae na nangikil sa kanyang ka-barangay matapos ang isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa bayan ng Abulug, Cagayan.
Ayon kay P/Major Norly Gamal, chief of Police ng PNP-Abulug, nakipag-ugnayan ang biktima na si Wilma Laungayan, rice trader at Brgy. Kagawad sa Brgy. Giddam nang makatanggap ng text message mula sa hindi kilalang numero na humihingi ng P300,000 bilang kapalit ng hindi pagsunog sa kanilang mga kagamitan.
Bago nito, sinabi ni Gamal na una naring nakatanggap ng kaparehong mensahe ang biktima noong 2017 pero binalewala lamang nila ito hanggang sa muling makatanggap ng kaparehong text message nitong nakaraang araw.
Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga kapulisan na sanhi ng pagkakahuli ng suspek na si Jane Pascua,residente rin ng naturang barangay.
Nagtamo ng sugat sa kamay ang suspek bago nahuli ng mga otoridad nang tangkain nitong tumakas kung kaya’t binaril ng mga pulis ang gulong ng motorsiklo na minamaneho pero nadaplisan ang kamay nito.
Labis naman na ikinagulat ng biktima nang makita ang suspek dahil hindi nito inakala na magagawa ng kanyang ka-barangay na siya’y pagbantaan.
Giit ng suspek, sampung armadong kalalakihan ang nagtungo sa kanilang bahay at iniutos lamang ang kanyang ginawa pero batay sa pagberepika ay wala umanong nakitang ibang tao sa bahay ng suspek.
Sinabi ni Gamal na ilan sa mga posibleng rason kung bakit nagawa ng suspek ang pangingikil ay dahil sa kanyang mga utang at bisyong pagsusugal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek at nasampahan na ng kasong robbery with intimidation against person kung saan nasa 150k ang inilaang piyansa.