Patay ang babaeng negosyante matapos siyang barilin ng isang lalaki sa loob ng kaniyang bahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Ang gunman, malayang nakapasok sa bahay matapos na mapagkamalan na empleyado ng biktima.

Ayon sa Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, kakauwi lang ng 45-anyos na biktima matapos na sunduin sa eskuwelahan ang dalawang menor de edad na mga anak.

Pagbaba ng biktima sa sasakyan, pumasok ito sa bahay, at sumunod umano sa kaniya ang salarin at saka siya binaril.

Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa mukha.

-- ADVERTISEMENT --

Tumakas naman ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo sa labas ng bahay.

Ayon sa pulisya, hindi umano napansin ng mga anak ng biktima na may dalang baril ang gunman na sumunod sa kanila.

Sinabi pa ng mga anak ng biktima na inakala nilang empleyado ng kanilang ina ang salarin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.