Ninakaw ang bag ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia sa isang restaurant sa Pasay City kahapon ng hapon.
Sinabi ni Garcia na nangyari ang insidente ng 1 p.m. matapos siyang dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa anti-dynasty bill.
Ayon kay Garcia, nasa anim umano ang suspek sa pagnanakaw sa kanyang bag.
Sinabi niya naglalaman ang kanyang bag ng pera, cellphone, at identification cards.
Gayunpaman, sinabi ni Garcia na wala namang laman na mga importanteng impormasyon ang kanyang cellphone dahil sa bihira niya itong gamitin.
Batay sa police report, habang hinihintay ng biktima ang kanyang order sa restaurant kasama ang iba pang bisita, dumating ang anim na suspek, na nagpanggap na mga customer.
Ayon sa pulisya, sinamantala ng mga suspek ang sitwasyon kung saan nagawa nilang tangayin ang bag ng biktima na nakalagay sa tabi ng kanyang upuan.
Sinabi ng pulisya na sinubukan ng bodyguards ni Garcia na habulin ang mga suspek subalit nabigo ang mga ito.
Matapos na tignan ang CCTV footage sa barangay, kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas “Ramon,” “Alberto,” at “Jun.”
Nakita rin sa video na sumakay ang mga suspek sa isang sasakyan.
Idinagdag pa ng pulisya na nasangkot na dati ang mga suspek sa katulad na insidente ng pagnanakaw o “salisi.”