Malaya na sa banta ng insurhensiya at panggugulo mula sa mga ititinuturing na teroristang grupo ang bayan ng Baggao matapos itong ideklara bilang pinakabagong lugar sa lalawigan ng Cagayan na nasa estado na ng kapayapaan at seguridad.
Sa bisa ng isang resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ay opisyal nang idineklara ang naturang bayan na insurgency free matapos ilatag ng Municipal Peace and Order Council sa pamamagitan ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army ang mga naging batayan ng nasabing deklarasyon.
Naunang inihayag ng kasundaluhan na nabuwag ng tropa ang mga kasapi ng New Peoples Army na kumikilos sa lalawigan kasama na ang bayan ng Baggao na kilala noon na may malakas na impluwensiya ng mga makakaliwang grupo.
Pinuri naman ng konseho ang pagsisikap ng mga law enforcers at ibat ibang ahensiya ng pamahalaan para matuldukan na ang panggugulo ng NPA sa lugar at para mas mabilis na maisulong ang development lalo na sa mga liblib na lugar.
Ang Baggao ang ika-tatlong bayan sa Cagayan na idineklarang insurgency-free kung saan naunang idineklara bilang mga lugar na may stable internal peace and security ang bayan ng Solana at Allacapan.
Kumpirmasyon ito sa naunang insurgency declaration ng lalawigan ng Cagayan.