TUGUEGARAO CITY- Sisimulan na sa malapit na hinaharap ang konstruksion ng Cagayan State University Iraga extension sa Solana, Cagayan.
Ito ay matapos ang ginawang groundbreaking sa pagtatayuan ng CSU Iraga Extension kaninang umaga na dinaluhan ng mga opisyal ng unibersidad, mga local officials at si Congressman Jojo Lara na siyang may inisyatiba sa proyekto.
May inilaang inisyal na pondo na P34.5M para sa nasabing proyekto sa 2.7 hectares na lupain.
Kaugnay nito, sinabi ni CSU President Urduja Tejada, na ihahabol na itatayo ang initial academic buildings para masimulan na rin ang pagtanggap ng mga enrollees sa buwan ng Agosto ngayong taon.
Kabilang sa mga kurso na iaalok sa nasabing eskwelahan ay ang may kaugnayan sa fishery, agriculture, information technology, education at Criminology.
Sinabi pa ni Tejada na malaking tulong ito sa mga mag-aaral na nasa malalayong lugar lalo na ang mga nasa Solana, Western Amulung at Western Alacala.