
Nakatakdang maglabas ang Department of Health (DOH) ng mga bagong alituntunin para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang mas maging madali, maayos, at may dignidad ang pagkuha ng tulong-medikal ng mga Pilipino.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may madaling access sa serbisyong pangkalusugan ang lahat ng mamamayan.
Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, layunin ng bagong guidelines na mailatag ang malinaw na proseso para sa MAIFIP upang madali itong ma-avail ng mga pasyente, may dignidad, at walang halong impluwensiyang pulitikal.
Ang hakbang ay kasunod ng panawagan ni Senador Risa Hontiveros na tuluyang wakasan ang patronage politics sa pagbibigay ng medical assistance, alinsunod sa mga probisyon ng 2026 General Appropriations Act.
Binigyang-diin muli ng DOH na hindi kailangan ang guarantee letters (GL) mula sa mga halal na opisyal upang makapasok at magamot ang pasyente sa mga pampublikong ospital.
May sariling sistema ang DOH sa pag-isyu ng tulong, ngunit ito ay dumadaan sa malinaw na pamantayan at requirements.
Dagdag pa ng senadora, handa na rin siyang simulan ang interpellations sa Senate Bill 1593 o ang Universal Health Care Medical Assistance Program (UHC MAP), na layong gawing institusyonal at pantay ang pagbibigay ng tulong-medikal.
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ilalabas ang bagong MAIFIP guidelines bago matapos ang buwan o pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero, bilang bahagi ng mas malawak na reporma sa sistemang pangkalusugan ng bansa.










