Nakatakdang maglabas ang pamahalaan ng bagong mapa ng Pilipinas na may West Philippine Sea (WPS), kasunod ng pagsasabatas sa Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

Ayon kay National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) Administrator Undersecretary Peter Tiangco, ang bagong mapa ay maglalaman ng lahat ng mga lugar na sakop ng soberanya at sovereign rights ng Pilipinas, kabilang ang West Philippine Sea alinsunod sa deklarasyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.

Gayundin ang Benham Rise o Philippine Rise na planong tawagin na Talampas ng Pilipinas, at iba pang teritoryo at islang sakop ng sovereign rights ng bansa.

Ayon kay Tiangco, mas matibay ang bagong mapa kumpara sa 9-dash line map ng China dahil nakabatay at suportado ito ng mga umiiral na batas.

Hinihintay na lang aniya nilang maglabas ng implementing rules and regulation para sa pinirmahang Philippine Maritime Zones Act bago ilabas ang bagong mapa ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Taong 2012 pa aniya nang huling maglabas ng opisyal na mapa ang bansa kaya marami nang bagong features o nakapaloob sa bagong mapa.