
Inihain ni Sen. Risa Hontiveros ang panibagong panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang mga miyembro ng political dynasties na tumakbo o humawak ng posisyon sa pamahalaan, na itinuturong ugat ng katiwalian at matagal nang kahirapan sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 1548, tinukoy niya ang political dynasties bilang mga magkakamag-anak hanggang ikaapat na antas na sabay-sabay na tumatakbo para sa pambansa o lokal na posisyon, kabilang ang party-list representation. Itinakda rin na ang sinumang kamag-anak ng kasalukuyang opisyal ay hindi maaaring tumakbo para sa kaparehong antas ng posisyon, at hindi rin maaaring agad na pumalit sa isang lokal na opisyal sa pamamagitan ng halalan.
Nakasaad sa panukala na maaaring magsampa ng reklamo ang publiko sa Commission on Elections laban sa mga kandidatong saklaw ng pagbabawal, at binibigyan ng kapangyarihan ang Comelec na magdiskwalipika ng kandidato kahit walang naghahain ng reklamo.
Mahigit tatlong dekada nang hindi naipapatupad ang pagbabawal sa political dynasties dahil wala pang enabling law, kahit malinaw na nakasaad ito sa Saligang Batas. Ayon kay Hontiveros, nagdulot ito ng patuloy na pamamayani ng mga dinastiya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binanggit din niya ang mga pag-aaral na nagpapakita na ang pinakamahihirap na lalawigan ay pinamumunuan ng tinatawag na “fat dynasties,” at ang ganitong sistema ay nagpapatuloy sa kawalan ng oportunidad at nagpapahina sa checks-and-balances sa pamahalaan. Lumalala rin ang katiwalian sa mga lugar na kontrolado ng iisang pamilya dahil nagagamit umano ang pondo at kapangyarihan para sa pansariling interes.
Bukod kay Hontiveros, naghain din ng kani-kanilang bersyon ng anti-dynasty bills sina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson at mga Senador Francis Pangilinan at Robinhood Padilla, na kapwa nagpahayag ng pagsuporta sa pagpapatibay ng nasabing reporma.










