TUGUEGARAO CITY-Naglabas ng bagong panuntunan ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao na batay sa executive order no. 87 series of 2021 na susundin ng mga nagnanais pumasok at lumabas na mga indibidwal sa lungsod bilang pag-iingat sa delta variant ng covid-19.
Ayon kay Atty. Reymund Guzman, City Councilor, para sa mga residente na nais lumabas ng lungsod ay kailangang kumuha ng travel pass sa pamamagitan ng online travel pass application ng city hall o city mayor’s office bago ang araw na ito’y kailangan kalakip ng Brgy. Certificate na pirmado ng kapitan o Brgy. midwife na pinanggalingan.
Ito aniya ang ipapakita sa boundary checkpoint bago lumabas at kapag muling papasok sa lungsod pero kinakailangan ay hindi lalagpas ng 24 oras dahil kinakailangan nang magpakita ng negative result ng swab test kung sakali na ito’y lagpas sa nakatakdang oras.
Para naman sa mga nagnanais pumasok sa lungsod na manggagaling sa iba’t-ibang bayan sa Cagayan ay kailangan na kumuha ng travel pass at travel declaration mula sa pinanggalingang LGU na siyang ipapakita sa nakalatag na checkpoint.
Sa mga manggagaling sa labas ng probinsya na papasok sa lungsod ay kailangang magpakita ng travel pass, travel declaration at negative result ng RT-PCR swab test na isinagawa sa loob ng 72 hours.
Sasamahan naman ng mga pulis ang indibidwal na dadaan lamang sa lungsod na manggagaling sa ibang lugar para matiyak na hindi mamamalagi sa kalunsuran.
Sa mga nagtatrabaho sa lungsod na mula sa ibang bayan maging sa mga residente ng lungsod na nagtatrabaho sa ibang bayan ay kailangan lamang na magpakita ng valid I.d mula sa kumpanya na pinagtatrabahuan.
Nilinaw din ni Guzman na kailangan pa ring magpakita ng mga hinihiling na dokumento kahit fully vaccinated na.
Kaugnay nito, sinabi ni Guzman na may kalakip na penalty ang mga mahuhuling hindi susunod sa naturang panuntunan kung saan sa unang paglabag ay may multang P1,000, pangalawang paglabag ay P3,000 at P5,000 sa pangatlong paglabag.
Ipatutupad ang naturang ordinansa sa oras na 12:01 ng madaling araw ng Agosto 5 hanggang 20, 2021 pero maari pa itong palawigin hanggat may mga lugar sa bansa na nakasailalim sa enhanced community quarantine para matiyak ang kaligtasan ng lahat sa mas nakakahawang sakit.